December 26, 2007

Fuel Your Drive

"Fuel Your Drive"

Sikat na tagline ng isang tatak ng gasolina. Ito din yata ang paboritong motto ng mga driver ng pampublikong sasakyan na sinasakyan ko.

Nung nag-aaral pa ako at araw-araw akong sumasakay sa mga pampublikong jeepney(ngayon kasi medyo upgraded na at FX na ang moda ng transportasyon ko), mahigit sa 80% ng nasasakyan kong jeepney, dumadaan sa gasolinahan para magkarga ng diesel.

Alam kong loser na ako, sapat na itong dahilan. Sumpa yata itong nakatatak na sa katauhan ko.

"Halos lahat ng masasakyan mong PUV, dadaan sa gasolinahan"

Ito yata ang parusa sa akin sa sobra kong pangungupit nung kabataan ko. Lahat ng kasamaan ko, nai-sum total na sa parusang ito.

Hindi ko din maipaliwanag kung bakit ganoon ang mga pangyayari sa buhay-byahero ko.

Hindi ako mukhang star.
Hindi ako mukhang shell ng halaan.
Hindi ako mukhang isang malaking naglalakad na letter P.

At kung ano pa mang insignia meron ang mga iba pang gasolinahan, kahit kailan, hindi ko sila naging kamukha para magpaalala ako sa drayber ng pagdaan sa gasolinahan. At kung mauupo man ako sa tabi ng drayber, sinisigurado kong hindi ako nagpabango o uminom man lang ng gasolina para maipaalala sa kanilang dumaan sa gas stations.

Pero hindi eh, sadyang ganun ang aking kapalaran sa kalsada.

Hindi ko pa ito napapansin nung una. Binabale-wala ko lang. Akala ko naman, normal na. Pero naulit siya. At naulit pa uli. At dumalas. At di ko na matanggap kung bakit ganun. At nagtaka na ako. Pero di ko na hinanapan pa ng dahilan.

Sa lahat na yata ng sasakyan naganap yun. Sa jeepney ang pinakamadalas. Nung estudyante ako eh malaking sagabal sa pagiging early bird ko "sumpa" ng paggagasolina. May higit sa 20 hanggang 30 minutos ang nawawala sa byahe ko kapag ganun ang sitwasyon. Computed ko pa man din ang oras ng byahe ko. Kapag dumadaan sila ng gasolinahan, kailangan ko nang tumakbo para lang maging 10 minutes lang ang late ko at hindi 30 minutes.

Hindi lang naman sa pagpasok. Maging sa pag-uwi din.

Unang pagkakataon: Pumara ako ng jeepney at sumakay. Naggasolina ito.

Ikalawang pagkakataon: Nagpalampas ako ng madaming jeep dahil alam kong mataas ang tyansa na ang unang mapapara ko eh ang siyang dadaan sa gasolinahan. Mga tatlo o lima ang pinalampas ko. Pagpara ko, yun pa ang dumaan sa gasolinahan. Swerte.

Ikatlong pagkakataon: Sa paglampas ako ng gasolinahan nag-abang. Nakasakay naman ako ng ayos. Pero sa pangalawang gas station naman nagdaan ang jeep. Malayo na ang lalakarin kung dun pa ako mag-aabang sa ikalawang gas station. Mas lalong swerte.

Napansin din ito ng mga kasabay ko. Namangha na lang siya sa pangyayare. Akala niya joke lang. PERO TOTOO PALA.

Ngayon namang sa FX na ako, di din ako nakakaligtas. Akala ko iba ang diskarte ng mga FX drivers at full tank sila palagi bawat byahe. Pero hindi din. Mga 20 meters mula sa bababaan ko, may mauunang gas station. Talagang kailangan pang tumigil doon ng FX. Na-pipilitan na lang tuloy akong lakarin mula sa gasolinahan patungong babaan. Nakakasawa na. Malapit ka na lang sa babaan, lalakarin mo pa.

Sa bus naman ay ganun din. Palibhasa tatlo na lang kameng pasahero. Pinalipat na lang kame ng bus dahil mag-gagasolina na daw sila. Nadadaanan kasi ang istasyon ng bus na kung saan may sarili silang gasolinahan. Tangina, ang laki-laki ng bus, nauubos pa ang gasolina. Andami-daming lalagyan ng gasolina nun eh.

Masaklap at nakakabuwisit, pero kaylangang tanggapin. Di ko naman pwedeng itanong sa bawat drayber ng sasakyan na paparahin ko kung dadaan ba sila ng gasolinahan. Hindi ito ang tipikal na tanong ng isang pasahero.

"Manong, dadaan po ba ito ng palengke?"
"Manong, magkano po hanggang istasyon?"

"Manong, magkakarga ba kayo ng gasolina?"

Hindi ito tradisyunal na tanong. Baka mawindang ang drayber at mag-amok. Di ito sanay sa mga ganoong tanong.

At syempre, malamang di naman nila sasabihin ang totoo. Nakakahinayang ang pasaherong ayaw sumakay dahil dadaan lang sila sa gasolinahan.

Alam kong nakabubuti ito sa akin bilang pasahero. Garantisadong di titirik sa lansangan ang sinasakyan ko dahil may gasolina ito. Sa isang banda, nagpapasalamat na din ako sa tadhana at ipinakikita niya sa akin ang mga ganitong bagay. May positibong mensahe ang kamalasang ito.

Pero siguro sapat nang sumpa yun. Nakakabuwisit pero tatanggapin ko na lang. Sana lang sa mga susunod na pagkakataon, magkarga ang mga drayber bago ako sumakay, at hindi sa mismong lugar bago kung saan ako bababa.

Ikaw, gusto mo bang sumabay sa akin?

4 Winners:

Anonymous said...

ano naman pakealam mo kung magpapagasolina sila?
tsk tsk
pati ba naman yun?
sus naman

hindi ka loser
masyado ka lang nagaanalyze
hahaha

Mariano said...

Andalas kasi. Masyadong madalas sa inaasahan. Kulang na lang araw-arawin.

» nhoii said...

wahaha. magbisikleta ka na lang kaya kuya. tsktsk. nakakainis din yung ganun eh. hehe. :)

Anonymous said...

gadameyt naman yan. Mas ayos pa pala yung curse ko na maaga ako pumara sa jeep. Madalas eh dalawang bloke pa ang lalakarin ko sa aga. hahaha