One Rainy Day
Ano ang dahilan?
Katamaran.
Papaanong naging sanhi ng sakit ang katamaran?
Maulan nanaman kaninang umaga. Pagdating ko sa lugar ng sakayan, medyo manaka-nakang pag-ambon lang naman.
TINAMAD akong magbukas ng payong. Ano ba naman ang kaunting ambon? Mababasa lang ang payong ko. Mahirap itong tiklupin. 2 folds at hindi automatic.
First generation foldable umbrella.
Na-underestimate ko din ang kanipisan ng bumbunan ko. Hindi na nagawa pa ng manipis kong buhok na harangin ang moisture mula sa kalangitan. Buti nga't hindi gawa sa makina ang utak ko. Baka kinalawang na ito.
Kawawa naman yung mga robot na tamad magpayong.
Trapik pa. At dahil sa late na ako eh kinailangan kong maglakad nang mas malayo sa nakasanayan. Trapik sa babaan ng jeep. Di ko na inantay na makapwesto ito ng maayos. Kaya't sinuong ko nanaman ang kalakasan ng ambon. Lalong nagmoist ang tuktok ko. Nung una, parang tilamsik lang ng laway ang pagkabasa ng ulo ko. Nung nagtagal, parang kili-kiling basa na.
Naambunan ang ulo ko. At heto ako ngayon, nanlalata, walang kagana-ganang magpatuloy sa araw na ito.
Kundi lang dahil sa inuman mamaya, di na ako papasok eh.
Sabik na din ako sa inuman. Ang kaligayahan na makasama ang mga taong maliligaya sa piling ng alak.
Sabik na ang aking sikmura sa alkohol.
Naghahangad na din ng fizz ang mga labi ko mula sa pulang kabayo.
Gusto kong maranasan ang masayang kwentuhan na dulot ng espirito na di lang sa november nakikita.
Ang mga hirit na di mapantayan.
Nananabik na ako. Nais kong magpakabusog sa inuming gawa ng rye, oats, wheat, at iba pang mga grains.
Gusto kong maglakad sa pader na gaya ni Jet Li.
Gusto kong makainuman sila Manny at Erik.
Gusto kong magsuka ng sisig, pancit, chicharon, liempo, mani, at green peas.
Gusto kong gumewang sa paglalakad at makipagmurahan sa mga kasama kong tawa nang tawa.
Nakakapanabik. Sana'y di na matapos ang inuman. Pero sana magsimula muna ito.
Dahil sa maulan ngayong mga nagdaang araw, di ko maialis sa isipan ko ang mga tao na nakita ko nang nadulas sa panahon ng tag-ulan.
Kasama na ako dun, kahit wala namang salamin sa lugar na dinulasan ko.
Sapagkat pinagpundaran ng mga businessmen at mga arkitekto ang design ng sahig ng mga bangketa at ginawa nilang pebbles at makinis na tiles, di na talaga maiiwasan ang pagdulas ng mga tao. Lalo pa't makinis ang swelas at de takong ang mga socialites at mga nakaunipormeng babae't bakla.
Pero bakit ganoon na lang ang reaksyon ng ko (pati na din ng iba) sa mga tao na nadudulas? Katawa-tawa. Di ko naman talaga ipinakikitang tumatawa ako. Maganda lang tignan mula sa oras na nadulas, bumabagsak, at tumayo.
Pero pag basag na ang bungo, labas ang utak, bali ang mga buto-buto, at lasog ang balun-balunan eh hindi na nakakatawa yun.
Aminado naman ako na natatawa talaga ako sa mga taong nadudulas. Iba kasi ang movement ng katawan ng mga nadulas. Parang spur of the moment. Sabagay, wala namang pagkakadulas na pinaghandaan.
Basta sa kahit anong paraan eh parang nakakatawa pag may nadudulas.
Sabihin na nating evil ako. Natatawa ako sa mga nadudulas.
Eh bakit sa America's Funniest Videos, halos karamihan ng mga videos eh mga taong nadadapa at nadudulas?
Diba't masayang panoorin? Bawat semplang, bawat kislot at pihit ng katawan bago pa man lumapat ang mga kamay sa lupa ay sadyang kaiga-igaya sa paningin.
Lalo na kung chicks ang madudulas at tutulungan mong tumayo, sino bang di masisiyahan nun?
"Miss, okay ka lang? Tulungan na kita."
Pero wag naman sanang isipin na pangmamanyak ang pagtulong sa mga nadulas na babae. Pagpapakita lamang ito ng taglay na kabutihan sa puso ng mga binatang tulad ko.
Akalain mo nga namang nakapag-sagawa agad ng pag-aaklas sila Trillanes dito sa Makati. Umuulan pa man din. Kasama pa si Guingona. Baka maulanan din yun at sipunin.
Ako nga eh medyo humahatsing pa.
Sabi nga ni Xienah eh bakit daw kailangan pang maglakad at magmarcha. Pwede naman daw ang bus at kotse papuntang RTC.
Tama nga naman. Di na sila naawa sa mga kasama nila. Siguro nga kahit skateboard at rollerblades man lang eh nagawan na nila ng paraan. Ang hirap nun ah, umuulan pa. Hirap magmarcha. Balita ko magaling daw mag-kick flip si Trillanes, hehe.
San tuloy kame iinom nito? Sus namang rally, wrong timing. Kung kailan naghahangad akong malasing, saka naman sumabay.
Pero ayos lang, basta sa ikauunlad ng bansa, ayos na din. Para lalong magmura ang beer at alak. Para hindi lang si Jet Li ang magsabi ng "Grey Bee-ar".